Wednesday, February 4, 2015

1st SUNDAY OF LENT

MALING AKALA
Br. Mervin G. Lomague, OP

May isang ibon na napagod sa isang paglalakbay. Gusto niya sanang kumain pero hindi siya nakuntento sa prutas na nakukuha niya sa mga puno. Gusto niya pa sanang kumain ng mas masarap pang pagkain: Gusto niya ng bulate.

“Bulate ba kamo?” Narinig ng pusa ang gustong kainin ng ibon. “May alam akong pwedeng pagkuhanan ng mga bulate. Gusto mo, bigyan kita?”

“Eh anong kapalit?” tanong ng ibon. “Di naman masyadong mabigat. Bigyan mo lang ako ng balahibo mo.” Di makapaniwala ang ibon. Isang balahibo para sa isang bulate? Aba, “special offer” iyan! 

Pumayag ang ibon sa alok ng pusa. At di nga siya binigo nito. Di natapos dito ang pag-uusap nila. Naulit-ulit pa ito. Araw-araw. Linggu-linggo. Ito ay sa tuwing natatakam ang ibon sa pagkaing bulate na handog ng pusa. 

Hanggang sa isang araw, noong nagkita uli sila ng pusa, napansin ng ibon na hindi na siya makalipad pauwi. Dahil ito sa pagkakaubos ng balahibo niya, lalo na sa bandang pakpak. Ngumiti ang pusa at natanto ng ibon na nasa panganib siya. Pero huli na ang lahat. Hindi na kailanman nakita uli ang ibong iyon. 

Kapatid, ang tukso ng bisyo, pakikiapid, panloloko, kurapsyon at kung anu-ano pa ay ganyan kung gumalaw. Akala natin nakikinabang tayo. Akala natin walang mawawala sa atin kung papatulan natin ito. Pero nagkakamali tayo. Sa bandang huli, kakainin din tayo ng sarili nating kagagawan. Kaya naman sa ebanghelyo, napakasimple ng imbitasyon ni Hesus: Talikuran natin ang nakagawiang masama at maniwala sa Ebanghelyo. Dahil kung magpapadala tayo sa tukso, kakainin lang tayo ng demonyong tayo din ang may kagagawan.






No comments:

Post a Comment