Friday, February 22, 2013

Patungkol sa Paglalaba



Noong bata pa ako, naging parte ng aking kabataan ang pagtulong sa gawaing bahay araw-araw. Bago pumasok sa eskwela, ako ang tagabili ng pagkain para sa aming almusal. Pagkauwi naman sa bahay, ako ang tagadilig ng halaman at katulong ng aking lolo at lola sa paghahanda ng hapag-kainan. Nang ako ay lumaki na, may isang gawaing bahay na noong una ay di ko magustuhan. Ito ay ang paglalaba. Maliban sa ito ay naturingan na gawaing pambabae, ang paglalaba ay mahirap. Wala pa kaming “washing machine” noon kaya kailangan mong ibabad at kusutin ng paulit-ulit ang mga damit upang pumuti at maging malinis. Sadyang mahirap ang gawaing ito para sa akin kaya naman noong una ay nagtatago ako sa aking mga magulang kapag ako ay inuutusang maglaba. Ngunit pagpasok ko sa seminaryo kailangan kong mahalin ang paglalaba. Kailangan kong labahan ang aking mga damit. Sa paglipas ng araw, naging kaaya-aya na sa akin ang paglalaba at naging parte na ito ng aking buhay.


Ang ebanghelyo sa linggong ito ay patungkol sa pagbabagong-anyo ng ating Panginoong Hesukristo. Kadalasan, sa ebanghelyong ito, laging napapansin ang pagbabagong-anyo sa maputi at nagniningning na kasuotan ni Kristo. Ito ay tanda ng kanyang kapangyarihan. Ang katauhan Niya ay nagniningning sapgkat Siya ay Diyos. Ngunit ayon sa mga pantas, ito rin ay tanda ng simula ng pagpapakasakit ni Hesus para sa pag-ibig Niya sa ating lahat. Na kung gaano kaputi at kaningning ang Kanyang Kasuotan ay ito naman ay naging marungis dahil sa dugo upang tayo ay iligtas. Ipinakita Niya na ang kaligtasan ng lahat ay makakamtan lamang sa pagsasakripisyo. 


       Ngayong panahon ng kuwaresma, tayo muli ay ginigising na magsakripisyo para sa kabutihan at kalinisan ng puso. Tulad ng paglalaba, ang mantsa ay di natatanggal sa isang kusutan o babad lang. Ang damit ay pumuputi at nagiging malinis sa paulit-ulit na pagkusot at pagbabad. Ang ating pagkakasala ay di maiwawaglit sa isang araw na di paggawa. Ang pagbabagong buhay ay ginagawa ng paulit-ulit, araw-araw at sa lahat ng oras. Ang pagbabagong buhay ay kailangan ng araw-araw ng pagsasakripisyo upang maging mabuti.

          Panginoon, turuan mo po kami na sumunod sa Iyo sa lahat ng oras, upang ang aming buhay ay maging kalugod-lugod sa iyo. Amen.





All images, musical scores or any third party content that appear in this blog belong to its respective owners.
NO COPYRIGHT INFRINGEMENT IS INTENDED IN THE USE OF THE SAID MATERIALS.
This blog is for non-commercial use and is for religious, catechetical and educational purpose only.

No comments:

Post a Comment