Saturday, March 9, 2013

Please Forgive Me!!!




Hindi mahirap intindihin ang Ebanghelyo ngayong araw sapagkat halos lahat sa atin ay nakaranas na nito. Lahat tayo ay nagkasala na at marahil, sa isang pagkakataon, ay humingi tayo ng paumanhin o patawad sa ating pagkakasala.

Kung ating babalikan ang ating mga karanasan ng pagkakasala at paghihingi ng tawad, siguro ang huling papasok sa ating isipan ay yaong mga mabibigat nating nagawa na kung saan lubos tayong nakasakit. Okay lang po iyon sapagkat normal lang po na sadya nating kinakalimutan ang mga ito. Sino ba namang tao ang gustong alalahanin ang kanyang mga maling nagawa o mabibigat na kasalanan lalo na’t pinatawad na ito? 

Ang hangarin po natin kung bakit kailangan nating alalahanin ang mga ito ay para makita natin kung gaano kahalaga ang pagpapakumbaba at para makita nating muli ang kabutihan ng Diyos sa ating buhay; hindi po para idiin na tayo ay makasalanan, kundi para maalala natin na tayo ay tunay na mahal ng Diyos.

(Isipin po natin ang ating mga karanasan)

Habang iniisip natin ang masasakit na karanasang ito, marahil tayo ay napapabuntong-hininga. Naalala natin ang sigaw ng ating mga puso: patawad po! Marahil bumibigat ang ating pakiramdam at dali-dali nating kinakalimutan ito. Mahirap nga talagang balikan ang masakit na nakaraan. Ngunit sa aking palagay, ang bigat ng pakiramdam na ating nararanasan at ang hiling ng ating puso na kalimutan agad ito, ay siya mismong nakakapagbigay-ngiti sa Diyos. Bakit po? Sapagkat ito po ay isang kongkretong halimba at nagpapahiwatig ng ating pagpapakumbaba. Ang hiyang dulot ng pag-amin sa kasalanan at ang paghihingi ng tawad sa mga ito, katulad ng naranasan ng anak sa Ebanghelyo ngayong araw, ay lubhang kalugod-lugod sa Diyos. Ito ay simula ng tunay na pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik sa Diyos.

Ang pagkakataong muling bumalik sa Diyos ay isang napakalaking grasyang bigay niya at patuloy na ibinibigay para sa atin. Mahal na mahal tayo ng Diyos kahit anong kasalanan pa ang ating nagawa. Ang hinihiling lamang Niya ay ang ating pagbabalik-loob ng may pagpapakumbaba.

(Kung binabagabag pa tayo ng ating mga kasalanan, huwag po tayong matakot, nandyan lang po ang  sakrameto ng kumpisal. May awa ang Diyos.)



DISCLAIMER

All images, musical scores or any third party content that appear in this blog belong to its respective owners.  NO COPYRIGHT INFRINGEMENT IS INTENDED IN THE USE OF THE SAID MATERIALS. This blog is for non-commercial use and is for religious, catechetical and educational purpose only. 

1 comment: