Wednesday, February 4, 2015

4th SUNDAY IN ORDINARY TIME

NARIRINIG MO BA ANG DIYOS?
Br. Jose Laureano de Jesus, OP

Narinig mo na ba ang Diyos? Sa unang pagbasa ngayon, nabanggit kung gaano nakakapanindak ang marinig ang boses ng Diyos. Sabi nga ng Israelita, “Natatakot akong mamatay!” Dahil doon, nakikipag-usap na lamang ang Panginoon sa kanila sa pamamagitan ng mga propeta. Sa ikalawang pagbasa naman, nalaman natin kung gaano kahirap magsilbi sa Diyos dahil maraming umaagaw ng ating pansin sa pakikinig sa Kanyang kagustuhan. Kaya nga sabi ni San Pablo, pinakamainam hindi mag-asawa kung gustong maglingkod sa Diyos. 

Sa ating hangad na maging mabuting Kristiyano, gusto nating marinig ang tinig ng Diyos. Ngunit may problema tayo: hindi natin diretsahang maririnig ito – mamamatay tayo kung ganoon! At maraming makamundong bagay na umaagaw sa ating pansin. Sana nandito si Hesus na puno ng awtoridad habang nagtuturo sa mga tao! Kanino ba tayo lilingon ngayon? Nakakalito rin dahil marami ngayon ang nagsasabing naririnig nila ang tinig ng Diyos. Mag-ingat tayo! Gamitin natin ang puso’t isipan. Kadalasan ang Diyos ay bumubulong lamang sa ating puso, “God of silence” ika nga. At binigyan Niya tayo ng isip upang mangilatis ng bagay-bagay. Higit sa lahat, isinugo Niya ang Espiritu Santo upang tayo ay tulungan. Huwag nating kalilimutang hingin lagi ang gabay ng Kanyang Espiritu nang sa gayon, mapakinggan nating mabuti ang Tinig ng Diyos.

No comments:

Post a Comment