Saturday, September 13, 2014

RESPONSABLENG PAGMAMAHAL

Ang pagmamahal ay isang responsibilidad. Hindi tayo nagma­mahal dahil masaya lang tayo sa ating nararamdaman o dahil may nakukuha tayong pabor sa ating minamahal. Nagmamahal tayo upang makamtan ng ating minama­hal ang pinakamaganda at pinaka­mabuti para sa kanya. Ngunit wala nang hihigit pa sa isang pagmama­hal na kung saan ang iyong mina­mahal ay mas napapalapit sa Diyos. Samakatuwid, ang pagmamahal natin ay dapat nakatuon sa tunay na pangangailangan at sa tunay na ikabubuti ng ating minamahal.

Sa mga pagkakataong lu­milihis ang ating minamahal sa mabuting landas, hindi ba’t ang pinakamainam na gawin, kung gusto nating patunayan na mahal natin siya, ay ituwid siya sa kan­yang mga gawain? Masasabi ba na­tin na tunay natin siyang minama­hal kung pababayaan natin siyang malunod sa kasamaan? Maaatim ba nating pagmasdan ang kanyang pagdusa kung alam naman nating may magagawa tayo para mai­wasan niya ito?   

Mga kapatid, magmahal tayo sa paraang itinuturo sa atin ng Diyos sa linggong ito. Sinabi ng Diyos kay propeta Ezekiel (33:7- 9) na dapat nating ilayo ang sinu­mang alam nating gumagawa nang kasalanan sapagkat ito ay ating re­sponsibilidad. Sinasabi naman ng ating Panginoong Hesu Kristo na gawin natin ang ating makakaya para maibalik natin sa tamang lan­das ang sinumang naliligaw. Ma­halagang ipagdasal natin ang mga mahal natin sa buhay at ang mga taong sa tingin natin ay lumalayo sa Diyos. Magmahal tayo nang respon­sable at maging responsable tayo sa ating mga minamahal sa buhay.


No comments:

Post a Comment