Wednesday, February 4, 2015

6th SUNDAY IN ORDINARY TIME

LUMAPIT KA!
Br. Jerone R. Geronimo, OP

Kahapon lamang ay ipinagdiwang natin ang “Araw ng mga Puso”. Sigurado akong naging saksi ang karamihan sa atin sa mga magkasintahang nagde-date, mag-anak na namamasyal, magkakaibigang nagdidiwang. Love is in the air.

Subalit, alam kong hindi lingid sa ating kaalaman na may mga taong hindi makapagsaya sa araw na ito. Magpasahanggang ngayon ay may mga taong itinuturing ang sariling bigo sa pag-ibig. Maaring sila iyong mga iniwan ng minamahal, mga humahanap ng pagpapatawad at pagtanggap, mga pinagkaitan ng hustisya, mga naulila at iba pa.

Ang ketongin sa ating ebanghelyo ngayon ay isa ding bigo sa pag-ibig. Walang nais lumapit sa kanya. Itinuturing na isinumpa. Walang kaibigan, walang nagmamahal. Subalit ang ketonging ito ay hindi nagpaka-bitter habambuhay. Alam niyang dapat mag-move on. At alam niya kung kanino lalapit- kay Hesus. Nanalig siya na mapagmahal at maawain ang Diyos, kaya naman siya ay minahal at kinaawaan din.

Mga kapatid, pinapaalaala sa atin na kung nakakaranas tayo ng iba’t ibang uri ng kabiguan sa pag-ibig, nandiyan si Hesus. Hindi Siya mahirap hanapin. Lagi natin Siyang kasama. Maaasahan! Ang Kanyang puso ay bukas para sa lahat. Oo, ka-close Niya ang mga mabubuti at nabubuhay sa kabanalan. Subalit inaabot Niyang pilit ang mga makasalanan, mga may kapansanan, higit lalo sa mga bigo sa pag-ibig. Kapatid, nandiyan na Siya, hinihintay ka lang niyang lumapit. At kung sakaling matagpuan mo Siya, ilapit mo din naman ang iba sa Kanya.

No comments:

Post a Comment