Ngayong Linggong ito, ipinagdiriwang natin
ang Pagpaparangal sa Banal na Krus o Exaltation of the Holy Cross. Ano nga ba
ang mayroon sa krus at bakit natin ito pinararangalan? Noong unang panahon, ang
pagpapako sa krus ay isang paraan ng pagpaparusa sa mga kriminal. Ginagamit
ito upang itanghal at ipahiya ang isang kriminal nang hindi na tularan ng iba.
Ang krus na ito ay pinasan ng ating
Panginoong Hesus. Bagamat siya’y walang sala, inako niya ang paghihirap at
pagdurusa upang mailigtas ang sangkatauhan. Bagama’t siya’y hindi kriminal,
ipinako siya sa krus upang matubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan at
kamatayan. Ang krus ay naging tanda hindi na lamang ng pagpaparusa at ng pagdurusa.
Ang krus ay naging tanda ng dakilang pagmamahal ng
Diyos sa atin.
Tayong mga Kristiyano ay nag-aantanda ng krus
upang lagi nating matandaan kung gaano tayo kamahal ng Diyos – na sa
pamamagitan ng krus, nakamit natin ang kaligtasan. Ipinapaalala ni Hesus na
nakapako sa krus na nakikiisa siya sa ating mga pagdurusa. Ang pagpasan natin
ng krus sa ating buhay sa araw-araw ay mga pagkakataon upang tayo naman ang
makiisa kay Jesus – sa kanyang paghihirap, sa kanyang pagdurusa, sa kanyang
pagmamahal.-
No comments:
Post a Comment