Naalala ko noong umuwi ako sa bahay mula sa
kumbento, nakita ko ang mga padala sa aking damit noong bata pa ako. Marunong
na akong kumilatis ng brand kaya agad ko itong napansin. Mamahalin at hindi
pala basta-basta ang mga damit na padala sa akin noon. Biglang pumasok sa isip
ko na ako pala ang pinakabata sa aming mga magpipinsan. Apat na taong gulang
palang ako, mga teenagers na silang lahat. Kaya pala kahon-kahon ang naiuuwi ng
mga pinsan ko rito noon ay dahil napaglumaan ng mga pinsan naming ka-edad nila sa abroad ang mga padala sa
kanila, samantalang ang mga padala sa aki’y mga bagong bili. Kung sabagay,
hindi naman mayaman ang mga kamag-anak namin sa ibang bansa. Hirap din sila sa
pagkayod ngunit naalala nila akong padalhan – padalhan ng mga bago. Noong
mapagtagpi-tagpi ko ang mga ito, naibulong ko sa aking sarili; “Ah… ganoon pala
ako kamahal.”
Ang pagmamahal ay hindi nasusukat. Hindi ito
nabibilang. Hindi rin ito naihahambing. Kaya kung minamahal ka, huwag kang
manunukat. Huwag kang magbibilang. Huwag kang maghahambing. Tumatanggap ka
lang. Walang may obligasyon na mahalin ka kaya wala kang karapatan sa tinatanggap
mo. Kaloob iyan. Regalo. Hindi man iyan perpekto – kaya kulang para sa iyo –
isipin mo nalang na ang tinatanggap mo ay ang the best na maibibigay ng nagmamahal
sa iyo.
Si Lord ang pinaka the best kung magmahal.
Kung ano mang mayroon ka na kaloob niya – kaunti man yan o marami. Hindi lang
iyan the best mula sa kanya. The best din iyan para sa iyo.
No comments:
Post a Comment