Wednesday, April 29, 2015

2nd SUNDAY OF EASTER

ANG MABATHALANG AWA, MAKA-TAONG GAWA
By Br. Jaymar Godalle, OP


Ang ikalawang linggo sa Panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoong Hesu-Kristo ay inilaan sa pagdiriwang ng Linggo ng Mabathalang Awa (Divine Mercy Sunday). Ang pagdiriwang na ito ay may kaakibat na imbitasyon para sa ating mga Kristiyano. Tayo ay inaanyayahan na harapin ang lahat ng pagsubok at hirap sa ating buhay nang may buong pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos.

Tunay ngang ang buhay sa mundong ito ay punong-puno ng iba’t-ibang pagsubok na kung minsan ay nagdudulot sa atin ng kadiliman. Subalit ano mang hirap ang ating dinaranas, tayo ay inaalalayan ng Panginoon sa pagpapa-tuloy ng ating paglalakbay patungo sa kabutihan at kabanalan. Ano mang uri at dami ng ating mga paghihirap, hindi pa rin nito madadaig ang awa ng ating Panginoon na Siyang nagpapalakas at umaakay sa atin.

Maisa-buhay at maibahagi nawa natin ang mga maka-taong gawa na inaasahan mula sa atin. Tulad na lamang ng itinuturo sa ating Ebanghelyo sa linggong ito: Una, ang iwaksi sa ating puso at isipan ang mga agam-agam o pag-aalinlangan (tulad ni Tomas) sa ating paniniwala na si Hesus ay muling nabuhay. At ikalawa, huwag nawa sana tayong magdalawang-isip na lumapit sa Kanya sa tuwing tayo’y nababalisa o nahihirapan. Sapagkat ang mga mananampalatayang may maka-taong gawa na lumalapit sa Kanyang Mabathalang awa ay pagkakalooban Niya ng tunay at wagas na kapayapaan, kapayapaang hindi maipagkaka-loob ng mundong ito.





No comments:

Post a Comment