Saturday, February 15, 2014

WAIT!

Ang tatay ko ay isang seaman. Kung kaya naman lumaki ako na madalas wala sa aming piling ang aming tatay upang magtrabaho sa ibang bansa. Mahirap at masakit sa amin iyon dahil kadalasan ay wala siya sa mga mahahalagang okasyon sa aming pamilya tulad ng pasko, kaarawan at graduation. Pero alam ko na mas mahirap sa kanya iyon na tiisin mapalayo sa kanyang pamilya upang matustusan lamang ang aming pangangailangan. Kung kaya naman dito ako unang natuto magpahalaga sa oras at mag-antay. Walang matagal na paghihintay at walang naaksayang maiksing oras sa taong minamahal mo 


Sa ating ebanghelyo ngayon, pinaalalahan tayo ni Hesus sa kahalagahan ng pag-aantay. Nagbunga ang pag-aantay ng isang balo na matugunan ang kanyang panalangin. Sinabi mismo ni Hesus, “Hindi ipagkakait ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi, bagama’t tila nagtatagal iyon.” Mahal na mahal tayo ng Diyos. Kahit na malayo tayo sa kanya, ang ating kabutihan at kapakanan ang lagi niyang iniisip. Patuloy lamang tayong lumapit at magdasal sa kanya. Matuto tayong mag-antay, may tamang oras para sa lahat ng ating panalangin.

Tunay ngang walang matagal na paghihintay at walang naaksayang oras sa taong minamahal mo. Huwag tayong magpadala sa makabagong kultura ngayon na hindi na marunong mag-antay, laging nagmamadali. Sa taong marunong mag-antay, tunay na kaligayahang walang maliw ang siyang nag-aantay. Upang ito ay makamit, ang wika ni Hesus ay ating sundin, “manalangin lagi at huwag manghinawa.”

No comments:

Post a Comment