Thursday, January 9, 2014

PAGPAPAKITA NG DIYOS

Sinasabing ang misteryo daw ng pasko ay ang pagkakatawang tao ng Salita, ang Pangalawang Persona ng Santisima Trinidad. Ito ay ng niyakap at inangkin ni Hesus, na isang Diyos, ang ating pagkatao at pagiging tao. Kaya nga ba sa sabsaban kung saan siya nahimlay, waring sinasabi ng batang Kristo na ang kanyang pagkatao ay para sa lahat ng tao, ang kanyang pagiging tao ay para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Di nakapagtataka na ang kanyang mga unang bisita ay ang tatlong paganong Mago, mga hentil. Sa salaysay na ito, sinasabing ang Kristo ay di lamang sa mga Hudeo, o sa kung ano mang piling tao, kundi para sa lahat. Ang pagpapahayag niya sa katotohanang ito ay siyang ating pinagdiriwang ngayon.

Ginamit ng mga mago ang kanilang talino at buhayupang hinanap si Kristo, masulyapan at masamba lamang Siya. Kung iisipin natin, kung ang mga “paganong” ito ay pilit na hinanap si Kristo, bakit tayo kung minsan hindi? O di kaya, kaisa na nga natin Siya, minsan hirap pa rin tayong makita Siya. Ang di nakikitang Diyos ay nagkatawang-tao para lang makita natin, naging bata para mahaplos, umiyak para marinig, at naging isang tinapay para malasap. Sa pag-yakap niya sa ating katauhan, ninais niyang siya’y makita sa bawat aspeto ng pagiging tao.


Ito siguro ang hangad ng Dyos sa ating lahat. Sa pagkatawang-tao, sinamahan at sinaluhan niya tayo, katuwang at karamay, kaisa at kasangga sa bawat pagharap natin sa buhay. Dasal natin na sana sa bawat saya, lungkot, problema, tagumpay, trabaho, pahinga, iyak o tawa – sa bawat karanasang ating pinagdaanan at pagdadaanan, makita natin si Kristo. At pagmalas, gaya ng mga mago, purihin, sambahin at sundan ang kanyang yapak. Ito ang dakilang katotohanang pinagdiriwang natin. Maligayang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon!

No comments:

Post a Comment