Marami ka na bang NAWALA? Tiyak
ako na ang lahat sa atin ay nakawala na ng mga bagay. Kung babalikan nga natin
ang mga pangyayaring ito ay mapapangiti na lamang tayo. Andyan yung nakalimutan
mo yung payong mong dala sapagkat hindi na umuulan noong pauwi ka na o kaya
naman hindi ka makapasok sa bahay ninyo sapagkat hindi mo alam kung saan mo
huling iniwan ang susi mo. Hindi rin siyempre magpapahuli ang mga nawawalang
dokumento at mga papeles sa cabinet o drawers natin. Lahat ng mga ito nagbigay
ng kaba, pag-aalala at lungkot sa atin. Di ko tuloy maiwasan na balikan ang
aking karanasan noong ako ay bata pa. Ako ay mayroong laruan, Michael Angelo
ang pangalan niya, isa siyang Teenage Mutant Ninja Turtle (sikat kasi noong
90s ang grupong iyan). Paborito ko iyang laruan na iyan kaya naman siya ang
lagi kong nilalaro noong ako ay bata pa. Subalit ng isang araw ay bigla na
lamang itong nawala, naiwan ko kasi sa may labas ng bahay namin sa tabi ng
isang drum na puno ng tubig. Doon ko kasi pinaglalaruan si Michael Angelo.
Hinanap ko siya at talaga naman hinahap ko siya ngunit hindi ko siya matagpuan.
Nalungkot ako, kasi wala na ang paborito kong laruan. Kahit madami pa rin akong
laruan noong mga panahong iyon at ang iba dito ay di hamak namang mas maganda
pa kaysa sa laruan kong si Michael Angelo subalit siya pa rin ang hinahanap
ko. Sa katunayan po hanggang sa mga panahong ito hindi ko pa po siya nakikita.
Ang ating Ebanghelyo sa Linggong
ito ay nagsalaysay ng tatlong parabola na kung saan sila ay mayroong pagkakapareho,
MAY NAWAWALA! Nawala yung barya nung babae, nawala yung isang tupa, at ang
pagkawala ng isang alibughang anak. Lahat ng iyan NAWAWALA!
Kung may nawawala, eh di dapat may maghahanap! Mali po tayo dyan
dahil hindi naman sa lahat ng pagkakataon kung may nawawala ay atin ding
hinahanap. HINAHANAP MO LANG ANG MGA MAHALAGA SA IYO. At iyan ang gustong
ipakita sa atin ng Ebanghelyo sa araw na ito - kung gaano tayo kahalaga sa
Panginoon. Kung tutuusin mas marami pa rin ang siyamnapu’t siyam (99) sa isa
(1) subalit handang iwan ng ating Panginoon ang mga ito para lamang hanapin ang
sa isang mahalaga. Tayo, bilang tao ay palagi na lang nawawala at lumalayo sa
Diyos subalit sigurado ako, dahil mahalaga ka para sa ating Diyos, LAGING HAHANAPIN
KA.
(September 15, 2013 Sunday Gospel Reflection)
(September 15, 2013 Sunday Gospel Reflection)
No comments:
Post a Comment