Pagkatapos
itatag ni Santo Domingo
ang Orden ng mga Mangangaral, o Order of Preachers noong 1216, ang mga sumunod
na taon ay masasabing panahon ng pagsasabuhay sa karisma ng Orden: ang vita
apostolica, o buhay na katulad ng mga apostol. Sa pamamagitan nito, ninais ni
Santo Domingo na ihanda ang sarili sa pangangaral ng mabuting balita ng
kaligtasan. Ang vita apostolica ay isinabuhay ni Santo Domingo sa tatlong
paraan:
Una,
binigyang halaga niya ang buhay-karukhaan. Ang mga unang Dominiko ay mga pulubi
na namamalimos ng kanilang kakainin sa araw-araw. Wala silang mga personal na ari-arian, sariling
kwarto, o pera; ang lahat ay
ibinibigay sa komunidad. Ipinagbawal ni Santo
Domingo ang mga marangyang kumbento. Ipinagiba niya
ang isang gusali na ipinatayo na mas mataas kaysa sa ordinaryo, sapagkat ayaw
niya na mawala sa kanyang mga anak ang diwa ng simpleng pamumuhay. Ang
pagbibigay-halaga sa karukhaan ay ipinamalas niya hanggang kamatayan. Namatay
siya sa hiram na kama , sapagkat wala siyang
sariling tulugan; ang kanyang katawan ay binihisan sa hiram na abito, sapagkat
iisa lamang ang kanyang gamit.
Pangalawa,
binigyang-halaga niya ang pag-aaral bilang paraan ng paglapit sa Diyos. Batid
niya na maaari mo lamang mahalin ang Diyos kapag nakikilalala mo siya sa
pamamagitan ng pag-aaral at pakikinig sa kanyang salita. Nakita rin niya na
malaking kapahamakan ang nagagawa ng mga maling aral ukol sa pananampalataya. Dalawang
libro ang palagi niyang dala: ang ebanghelyo ni San Mateo ,
at mga sulat ni San Pablo .
Palagi rin niyang sinasabi sa kanyang mga kasama na dapat bubuksan lamang nila
ang kanilang labi kung makikipag-usap sila sa Diyos sa pamamagitan ng
panalangin, o kakausapin ang ibang tao ng patungkol sa Diyos.
Pangatlo,
ang kanyang buhay ay buhay ng pagsasakripisyo at pagdarasal. Hindi niya inalintana
ang pagod, gutom at sakit kung makakatulong sa pangangaral ng salita ng Diyos.
Sapagkat bawal sa mga prayle ang gumamit ng anumang uri ng sasakyan, o sumakay
sa anumang uri ng hayop, ilang beses
niyang nilakad ang kahabaan ng Espanya, Pransiya at Italya upang mangaral at iwasto
ang mga naniniwala sa maling aral ng mga erehe. Upang madisiplina ang katawan
at bilang penitensiya, minsan lamang sa isang araw kung siya ay kumain, kagaya
ng lahat ng kanyang mga prayle, mula sa kapistahan ng Pagtatanghal sa Krus sa Setyembre
hanggang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay. Gumigising siya sa hatinggabi upang
magdasal, at malimit na siya ay napapaiyak habang nagdarasal ng mataimtim.
Anim
na taon na nagsilbing pinuno ng Orden si Santo
Domingo . Sa mga taong ito, nailagay ang mga pundasyon
ng samahan, kayat pagkatapos ng halos walong daang taon, ang Orden na kanyang
itinatag ay nananatili pa ring malakas. Ngunit ang lakas na ito ng Orden ay siya ring kumitil
sa buhay ni Santo Domingo .
Dahil sa kanyang pagsasakripisyo at mga pagod, siya ay nagkasakit, at noong ika-6
ng Agosto, 1221, siya ay namatay. Ang huling habilin niya sa mga unang dominiko
ay ito: magmahalan kayo sa isa’t-isa, panatilihin ang kababang-loob, at pahalagahan
ang karukhaan.
Siya
ay kinilala bilang santo ni Papa Gregorio IX noong 1233. Sinasabi ng mga saksi na
noong buksan ang kanyang puntod upang ilipat ang mga labi, sumabog ang
halimuyak mula sa mga buto, tanda ng kanyang kabanalan. Magpasahanggang ngayon,
nananatiling buhay ang Orden na itinatag ni Santo Domingo, isang monumento sa nagagawa
ng isang buhay na iniaalay sa Diyos.
No comments:
Post a Comment