Patapos na ang mga klase. Abala na ang mga estudyante
para sa finals at clerance. Marami ang nagmamadali sa paggawa ng requirements.
Ang ilan naman ay nagdadasal na sana umabot sila sa deadline. Ganito ang mga
karaniwang tagpo bago magsara ang taon sa paaralan dahil maraming estudyante,
kasama na ako, ang mahilig sa “last minute.” Naalala ko tuloy ang sinasabi ng
Nanay ko dati: “Anak, ano ba ang ginawa mo sa buong taon at ngayon mo pa lang
gagawin ang mga iyan? Kung may balak ka pang bumawi ngayong Marso, wala ka nang
mababawi.” Hindi na uubra ang “last minute” dahil, kumbaga, “Time’s Up na!”
“Time’s Up na!” – parang ganito rin ang sinasabi ng
may-ari ng ubasan. “Tatlong taon na akong naghahanap ng bunga sa punong ito,
ngunit wala akong makita. Putulin mo na!” Masarap kasing mag-relax muna
hangga’t hindi pa oras. “Hindi pa naman oras ng pasahan. Malayo pa naman ang
deadline. Mag-good time muna tayo.” Ngunit may hangganan ang lahat at hindi
natin alam kung sakaling mayroon pang “one more chance.”
Sabi ng tagapag-alaga ng ubasan, “Huwag po muna nating
putulin sa taong ito... Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit
kung hindi, putulin na natin!” Gayundin, ang Diyos ay nagbibigay ng isa pang
pagkakataon. Ngayong panahon ng Kuwaresma, Siya ay nagbibigay ng isa pang pagkakataon
upang tayo ay makapagbalik-loob at makapagbagong-buhay. Ngunit ang pagkakataong
ito ay hindi dapat abusuhin. Inaasahan Niya na gagamitin natin sa tama at
mabuti ang bawat pagkakataong ito... dahil baka last chance na pala ‘yun. Hindi
na pala tayo makakabawi. Hindi na pala tayo aabot sa last minute... dahil
“Time’s up na! Pass your papers finished or not.”
Lord, sana po masulit namin at magamit namin sa mabuti
ang bawat pagkakataong ibinibigay Mo sa amin. Amen.
No comments:
Post a Comment