Isa sa
pinakamadaling gawin ng isang tao ay ang magturo at manghusga ng kanyang kapwa.
Ngunit kung ating iisipin, sino ba tayo upang manghusga ng kasalanan ng ibang
tao? Lahat naman tayo ay may nagawang kasamaan o kasalanan. Ngunit ang
kadalasang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang kasalanan ng ating kapwa. Hindi
natin nakikita ang ating sariling kasalanan.
Sa
Ebanghelyo natin ngayon, tayo ay pinaaalalahanan ng ating Panginoon na huwag
manghusga ng kapwa natin. Bagkus, tignan natin ang ating mga sarili at suriin
ito upang makita din natin ang ating mga pagkukulang upang tayo ay matutong
magpakumbaba at lumapit sa kanya at humingi ng kapatawaran.
Ang
Diyos ay maawain at mapagpatawad at hindi marunong manghusga. Makikita natin
ito sa ginawa niya sa babaeng nagkasala sa ating Ebanghelyo sa Linggong ito.
Totoong nagkasala ang babae ngunit hindi niya ito hinusgahan, bagkus kinaawaan
niya ito at pinatawad.
Ngayong
panahon ng kuwaresma, nawa’y magkaroon tayo ng lakas ng loob upang buksan ang
ating puso at tignan ang ating sariling mga pagkukulang , aminin ito at ihingi
ng tawad sa ating Panginoon. Ang kapatawaran ng ating Panginoon ay maaari
nating makamit sa pamamagitan ng kumpisal. Ito ang anyaya sa atin ng Poong may
kapal na ipinako, namatay, inilibing at nabuhay na maguli pagkaraan ng tatlong
araw. Halina at tayo ay magnilay at mangumpisal ngayong panahon ng kuwaresma.
Panginoon,
buksan mo po ang aming mga puso’t isipan upang makita namin ang aming mga
pagkukulang at kasalanan sa aming kapwa at higit sa lahat, sa inyo. Turuan mo
din po kaming magpakumbaba at magpatawad ng aming kapwa tulad ng pangpapatawad
ninyo sa amin, upang kami ay mabuhay ng naaayon sa inyong mga turo. Amen.
No comments:
Post a Comment