Saturday, March 23, 2013

New Hope

















Sa ebanghelyo sa araw na ito ay inaalala natin ang pagpapakasakit ni Hesuskristo.  Ito ang pinakamalungkot ng yugto sa buhay dito sa lupa ng ating Panginoon. Sa pagkakataong ito, siya ay naiwang mag-isa upang harapin ang pinakamahirap na pagsubok- ang pagharap sa kanyang kamatayan.  Ngunit bago pa ito ay hinarap niya muna ang mga pasakit sa kanya.  Hinarap niya ang mga taong sa kanya ay may galit, mga taong may pagkainggit, mga taong gusto siyang mapahamak.  Siya ay kanilang minura, nilapastangan, inalipusta at pinaratangan ng walang kalaban-laban.  At sa bandang huli ay ang parusahan ng kamatayan ng walang hustisya, ang kamatayan sa Krus. Ito ay buong tapang niyang hinarap at bukas sa loob nyang tinanggap dahil sa ano?  Ito ay dahil sa pagmamahal nya sa mga tao, ang pagmamahal niya para sa bawat isa sa atin.


Tayo man sa buhay natin ay minsan dumadaan sa mga pagsubok. Minsan nakaranas na ng pagkabigo, o kaya ay naloko ng  kaibigan, di kaya’y siniraan sa ibang tao.  Nawalay ka na ba sa iyong mga mahal sa buhay o ika’y iniwan ng mga taong iyong pinagkakatiwalaan at marami pang pagsubok na maaring maranasan? Atin lamang isipin na hindi tayo nag-iisa sa ating dinaranas.  Ang mga ito’y napagdaanan na ng Panginoon.  Naintindihan niya tayo sapagkat ito rin ay kanyang dinanas. Hindi niya tayo iiwan bagkus tayo ay kanyang sasamahan.  Kaya dapat tayo ay hindi mawawalan ng pag-asa. Kung paanong buong puso nyang tinanggap ang kamatayang para sa atin- buong ligaya naman niyang napagtagumpayan ang lahat ng mga ito noong siya ay nabuhay na mag-uli.  Sa pagsubok hindi tayo titigil lamang sa Krus bagamat itutuon natin ang ating pansin na lagpas pa sa krus. Dito masisilayan natin ang tagumpay ng muling pagkabuhay ng ating Panginoon!

Panginoon, bigyan mo kami ng grasya upang mapagtagumpayan namin ang aming dinaranas at laging magkaroon ng pag-asang dulot ng iyong pagkabuhay na muli. 



 DISCLAIMER

All images, musical scores or any third party content that appear in this blog belong to its respective owners.

NO COPYRIGHT INFRINGEMENT IS INTENDED IN THE USE OF THE SAID MATERIALS.

This blog is for non-commercial use and is for religious, catechetical and educational purpose only.

Saturday, March 16, 2013

Looking Within




 

Isa sa pinakamadaling gawin ng isang tao ay ang magturo at manghusga ng kanyang kapwa. Ngunit kung ating iisipin, sino ba tayo upang manghusga ng kasalanan ng ibang tao? Lahat naman tayo ay may nagawang kasamaan o kasalanan. Ngunit ang kadalasang pinagtutuunan natin ng pansin ay ang kasalanan ng ating kapwa. Hindi natin nakikita ang ating sariling kasalanan.


 Sa Ebanghelyo natin ngayon, tayo ay pinaaalalahanan ng ating Panginoon na huwag manghusga ng kapwa natin. Bagkus, tignan natin ang ating mga sarili at suriin ito upang makita din natin ang ating mga pagkukulang upang tayo ay matutong magpakumbaba at lumapit sa kanya at humingi ng kapatawaran. 

Ang Diyos ay maawain at mapagpatawad at hindi marunong manghusga. Makikita natin ito sa ginawa niya sa babaeng nagkasala sa ating Ebanghelyo sa Linggong ito. Totoong nagkasala ang babae ngunit hindi niya ito hinusgahan, bagkus kinaawaan niya ito at pinatawad. 



Ngayong panahon ng kuwaresma, nawa’y magkaroon tayo ng lakas ng loob upang buksan ang ating puso at tignan ang ating sariling mga pagkukulang , aminin ito at ihingi ng tawad sa ating Panginoon. Ang kapatawaran ng ating Panginoon ay maaari nating makamit sa pamamagitan ng kumpisal. Ito ang anyaya sa atin ng Poong may kapal na ipinako, namatay, inilibing at nabuhay na maguli pagkaraan ng tatlong araw. Halina at tayo ay magnilay at mangumpisal ngayong panahon ng kuwaresma.

 Panginoon, buksan mo po ang aming mga puso’t isipan upang makita namin ang aming mga pagkukulang at kasalanan sa aming kapwa at higit sa lahat, sa inyo. Turuan mo din po kaming magpakumbaba at magpatawad ng aming kapwa tulad ng pangpapatawad ninyo sa amin, upang kami ay mabuhay ng naaayon sa inyong mga turo. Amen.










Saturday, March 9, 2013

Please Forgive Me!!!




Hindi mahirap intindihin ang Ebanghelyo ngayong araw sapagkat halos lahat sa atin ay nakaranas na nito. Lahat tayo ay nagkasala na at marahil, sa isang pagkakataon, ay humingi tayo ng paumanhin o patawad sa ating pagkakasala.

Kung ating babalikan ang ating mga karanasan ng pagkakasala at paghihingi ng tawad, siguro ang huling papasok sa ating isipan ay yaong mga mabibigat nating nagawa na kung saan lubos tayong nakasakit. Okay lang po iyon sapagkat normal lang po na sadya nating kinakalimutan ang mga ito. Sino ba namang tao ang gustong alalahanin ang kanyang mga maling nagawa o mabibigat na kasalanan lalo na’t pinatawad na ito? 

Ang hangarin po natin kung bakit kailangan nating alalahanin ang mga ito ay para makita natin kung gaano kahalaga ang pagpapakumbaba at para makita nating muli ang kabutihan ng Diyos sa ating buhay; hindi po para idiin na tayo ay makasalanan, kundi para maalala natin na tayo ay tunay na mahal ng Diyos.

(Isipin po natin ang ating mga karanasan)

Habang iniisip natin ang masasakit na karanasang ito, marahil tayo ay napapabuntong-hininga. Naalala natin ang sigaw ng ating mga puso: patawad po! Marahil bumibigat ang ating pakiramdam at dali-dali nating kinakalimutan ito. Mahirap nga talagang balikan ang masakit na nakaraan. Ngunit sa aking palagay, ang bigat ng pakiramdam na ating nararanasan at ang hiling ng ating puso na kalimutan agad ito, ay siya mismong nakakapagbigay-ngiti sa Diyos. Bakit po? Sapagkat ito po ay isang kongkretong halimba at nagpapahiwatig ng ating pagpapakumbaba. Ang hiyang dulot ng pag-amin sa kasalanan at ang paghihingi ng tawad sa mga ito, katulad ng naranasan ng anak sa Ebanghelyo ngayong araw, ay lubhang kalugod-lugod sa Diyos. Ito ay simula ng tunay na pagtalikod sa kasalanan at pagbabalik sa Diyos.

Ang pagkakataong muling bumalik sa Diyos ay isang napakalaking grasyang bigay niya at patuloy na ibinibigay para sa atin. Mahal na mahal tayo ng Diyos kahit anong kasalanan pa ang ating nagawa. Ang hinihiling lamang Niya ay ang ating pagbabalik-loob ng may pagpapakumbaba.

(Kung binabagabag pa tayo ng ating mga kasalanan, huwag po tayong matakot, nandyan lang po ang  sakrameto ng kumpisal. May awa ang Diyos.)



DISCLAIMER

All images, musical scores or any third party content that appear in this blog belong to its respective owners.  NO COPYRIGHT INFRINGEMENT IS INTENDED IN THE USE OF THE SAID MATERIALS. This blog is for non-commercial use and is for religious, catechetical and educational purpose only. 

Saturday, March 2, 2013

TIME’S UP (Luke 13:1-9)


Patapos na ang mga klase. Abala na ang mga estudyante para sa finals at clerance. Marami ang nagmamadali sa paggawa ng requirements. Ang ilan naman ay nagdadasal na sana umabot sila sa deadline. Ganito ang mga karaniwang tagpo bago magsara ang taon sa paaralan dahil maraming estudyante, kasama na ako, ang mahilig sa “last minute.” Naalala ko tuloy ang sinasabi ng Nanay ko dati: “Anak, ano ba ang ginawa mo sa buong taon at ngayon mo pa lang gagawin ang mga iyan? Kung may balak ka pang bumawi ngayong Marso, wala ka nang mababawi.” Hindi na uubra ang “last minute” dahil, kumbaga, “Time’s Up na!”

“Time’s Up na!” – parang ganito rin ang sinasabi ng may-ari ng ubasan. “Tatlong taon na akong naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na!” Masarap kasing mag-relax muna hangga’t hindi pa oras. “Hindi pa naman oras ng pasahan. Malayo pa naman ang deadline. Mag-good time muna tayo.” Ngunit may hangganan ang lahat at hindi natin alam kung sakaling mayroon pang “one more chance.”

 Sabi ng tagapag-alaga ng ubasan, “Huwag po muna nating putulin sa taong ito... Kung mamunga po ito sa darating na taon, mabuti; ngunit kung hindi, putulin na natin!” Gayundin, ang Diyos ay nagbibigay ng isa pang pagkakataon. Ngayong panahon ng Kuwaresma, Siya ay nagbibigay ng isa pang pagkakataon upang tayo ay makapagbalik-loob at makapagbagong-buhay. Ngunit ang pagkakataong ito ay hindi dapat abusuhin. Inaasahan Niya na gagamitin natin sa tama at mabuti ang bawat pagkakataong ito... dahil baka last chance na pala ‘yun. Hindi na pala tayo makakabawi. Hindi na pala tayo aabot sa last minute... dahil “Time’s up na! Pass your papers finished or not.”


          Lord, sana po masulit namin at magamit namin sa mabuti ang bawat pagkakataong ibinibigay Mo sa amin. Amen.