Sunday, March 1, 2015

5th SUNDAY OF LENT

Si Hesus na Aking Bayani 
By Br. John Andrew Bautista, OP 

Kinikilala at tinitingala natin ang ating mga bayani – sila ang mga taong nag-alay at nagbigay ng karangalan para sa bansa. Marami tayong mga narinig at nalaman tungkol sa ating mga sariling bayani na walang pag-aalinlangang inihandog ang kanilang sariling buhay dulot ng kanilang walang sawang pagmamahal sa ating Inang Bayan. Sino ba naman ang hindi makakakilala kina Gat. Jose Rizal, Andres Bonifacio, Gregorio Del Pilar at Sen. Ninoy Aquino na naging bahagi ng makulay na kasaysayan ng ating bansa. Ilan lamang sila sa ating mga pinagpipitagang bayani na ating nakikilala o napaguusapan sa paaralan, nababasa sa mga aklat, sa mga magasin o sa Internet.

Kung kinikilala natin sila bilang ating mga idolo o bayani sa sekular na mundo, sa ganito ring antas ng pagkilala dapat nating kilalanin, mahalin at papurihan ang ating Panginoong Hesukristo. Bilang kanyang mga tagasunod at kanyang mga tapat na mananampalataya, higit pa sa isang tunay na bayani ang Panginoong Hesus dahil sa kanyang naipamalas at naipadamang pagmamahal sa ating lahat. 

Sa ating ebanghelyo, ipinapahayag na palapit na ng palapit ang itinakdang oras ng Diyos kung saan buong maipapamalas ni Hesus ang kanyang dakilang kaluwalhatian. Ngunit sa kabila nito, naging kalakip at maituturing na kapalit ng misyon na ito ang pag-aalay ng sariling buhay ng ating Panginoon. Gayunpaman, alam mismo ni Hesus na bagamat Siya’y papanaw at lilisan dito sa lupa, hindi Siya kailanman mawawala sa puso at isipan ng mga tao.

Sa pamamagitan nitong mala-bayaning pagsasakripisyong ipinamalas sa atin ng Panginoong Hesukristo, nawa’y huwag natin itong kalimutan. Patuloy nating alalahanin ang mapagmahal na Diyos na nag-alay ng kanyang sariling buhay para sa kaligtasan ng sanlibutan.

No comments:

Post a Comment