Saturday, June 22, 2013

Dahil sa awa ng Diyos

Noong nakaraang Pasko, dumalaw kami sa isang hospital na kung saan lahat ng mga hindi na halos makalakad at makatayo ay nandoon. Bata at matandang lalaki, may mga anak at wala, ay magkakasamang magdiriwang sa darating na kapaskuhan. Sa aking pakikipag-usap sa isang mag-asawang matagal na palang magkasama sa doon, naikuwento ng asawang babae na halos humigit kumulang na labing-pitong taon na siyang nagbabantay sa nakaratay niyang asawa. Ako ay nagulat sa tindi ng kanilang pagmamahalan. Ang kanyang asawang lalaki na nadulas lamang habang ito ay nasa bahay ay biglang nagkakomplikasyon, ang kanyang mga buto na naging dahilan kung bakit di na siya makalad at makatayo. Habang nagsasalita ang babae, damang-dama ko ang kanyang sariwang-sariwang alaala sa nangyari sa kanyang asawa. Halos apat na taon pa lamang silang magkasama noon ng maganap ang aksidente. Sila ay may tatlong anak na noon ay may kasisilang pa palang na supling. Mabigat man sa loob niya ay napilitan siyang ipaalaga ang kanyang mga anak sa piling ng kanyang mga kapatid upang mas mabantayan ang kanyang asawa. 

Nagtanong tuloy ako sa aking sarili, paanong tumagal ang kanilang relasyon sa kabila ng mga suliranin na kanilang dinaranas. Kabilang dito ang tanong na paano na yung kanilang buhay pinansyal gayong mahina na at hindi na makatayo ang “padre de pamilya”? Paano nila binubuhay ang kanilang mga anak at ang gastusin sa hospital? Hindi ko rin mapigil na magtanong at isa-isa naman niya itong sinagot. Ang sabi ng maybahay sa akin, ito raw ay dahil sa awa ng Diyos. Mayroon sumasagot sa lahat ng bayarin nila sa ospital at sa tulong na rin ng mga nagmamalasakit sa kanila.  Naramdaman ko ang napakatinding pagmamahalan at pananalig ng mag-asawang ito.
   
Sa ating ebanghelyo sinasabi ng ating Panginoon na tayo ay magmahal at manampalataya sa kanya. Gaya ni Maria Magdalena na sa kabila ng kanyang pagiging makasalanan buong tapang siyang lumapit kay Hesus. Dahil sa kanyang matinding pagmamahal at pananampalataya sa awa ng Diyos, siya ay pinatawad niya.

“Panginoon, ako po ay lumalapit sa inyo at humihingi ng tawad.”

No comments:

Post a Comment