Saturday, April 27, 2013

Being Catholic


Malimit nagtatalo ang mga grupo ng Kristiyano sa maraming bagay. Kesyo sabi ng Bibliya, hindi dapat magkaroon ng mga imahe. Kesyo, sabi ng Bibliya, hindi dapat kumain ng may dugo. Maraming mga pinagtatalunan, na para bagang may paligsahan kung sino ang pinakamaraming na-memorize na mga bersikulo na panghambalos sa katunggali. “Mas magaling akong magquote ng Bibliya; samakatwid, sa akin ang tamang relihiyon.”  



Pero nakapagtataka lang, sa mga bagay na kung saan buhay ang nakataya, hindi pinagtatalunan. Halimbawa, sabi ng Panginoon: “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan.” (Mat 19:21);  “…nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ginawa ninyo ito sa akin…” (Mat 25:40).

   Ba’t di natin ito pinagtatalunan? Ba’t di natin sabihin sa isa’t -isa: “Hoy, kung tunay kang Kristiyano, ano na ang nagawa mo para sa mga taong nangangailangan ng tulong?” Sa Orthopedic Hospital ngayon, madami sa mga pasyente ang namomroblema dahil wala silang pambayad; sa Golden Acres ngayon, may mga lolo at lola na umiiyak dahil nakalimutan na sila ng mundo; sa paligid ng Santo Domingo, may mga taong walang masilungan.

 Ba’t di natin ito ginagawang sumbat? Kay ganda sigurong pakinggan: “Ipinagbili namin ang ilan sa aming ari-arian, ibinigay sa mga mahihirap, at ngayon, nandito kami sa simbahan.” “Nagpunta kami kanina sa ospital, binisita ang mga may sakit, at ngayon, nandito kami sa simbahan.”  “Kinausap ko kanina ang aking katulong, tiningnan kung paano ko mapag-aral ang kanyang anak, at ngayon nandito ako sa simbahan.”  Nakakatakot hindi ba, kung seseryosohin natin ang ating pananampalataya?



 Pero hindi ba ito ang pagiging Kristiyano—ang madama ang sakit na nararamdaman ng bawat isa, na ang kakulangan ng pagkain, damit, trabaho, kaibigan ng kahit sinuman ay sumbat sa lahat ng mga taga-sunod ni Kristo? Sabi ni Chesterton, isang manunulat: “It is not that Christianity had been tried and it failed; rather, Christianity failed because it has never been tried.”  Hindi sinubukan ang pagiging Kristiyano at ito’y pumalpak; ito’y pumalpak, sapagka’t hindi ito kailanman sinubukan.

Panginoon, tulungan mo kami na isabuhay ang aming pananampalataya, na makita Ka sa mga aba at nangangailangan ng kalinga, at ibigay ang sarili namin upang maibsan ang kalungkutan at kahirapan ng bawat isa. 

No comments:

Post a Comment