Minsan, sa pakikipag-kwentuhan ko sa isang kaibigan, nabaling ang aming usapan sa isa pang kakilala namin. Di ko namalayan, napunta na kami sa panlalait sa kanya. At napansin ko na habang nag-uusap kami at negative pa rin ang usapan, nagiging tense din ako, nagsimulang maging negative din ang aking nararamdaman. Bago kami nabaling sa usapang iyan, masaya kaming nagkukuwentuhan. Matiwasay at mapayapa ako. Pero nung nagsimula kaming manlait at pagtawanan ang kapwa, nawala ang kapayapaan at katiwasayan; naging balisa ako, medyo galit, at malungkot din. Naghiwalay kami ng aking kausap, nagtatawanan pa rin sa panlalait sa kapwa, pero may masamang lasa sa aking kalooban at buong araw na balisa at mainit ang ulo.
Habang binabalikan ko ngayon ang aking karanasan, nakita ko rin na hindi lamang sa pagkakataon na iyon na ganito ang nangyari. Sa bawat pagkakataon na nilait ko ang aking kapwa, naging malungkot at hindi kanais-nais ang aking naramdaman. Pero kapag ang usapan ay tungkol sa mga mabubuti, ang epekto ay kapayapaan at kasiyahan na nagtatagal. Natatapos ang usapan, pero umaalis ako na buo ang aking pakiramdam; hindi nabawasan ang aking pagkatao di gaya nang kapag ang pinag-usapan ay panlalait o sa mga iba pang hindi kanais-nais na bagay.
Sabi ni Thomas Merton, isang Trappist monk, “Ang bawat minuto ng ating buhay ay nagdadala ng mga binhi ng pagmumuni-muni kung saan nakikipangusap ang Diyos.” Sabi rin ni William of St. Thiery, isa pang dalubhasa sa buhay spiritwal, “Umaalingawngaw ang boses ng Diyos sa kalawakan, ngunit hindi natin naririnig, sapagkat hindi tayo nakikinig.” Si Hesus ay Emmanuel, “ang Diyos na nasa ating piling.” Bawat minuto at sandali, kinakausap niya tayo sa pamamagitan ng ating pakiramdam, sa pamamagitan ng ibang tao, sa lahat ng kanyang mga ginawa.
Kung babalikan natin ang mga pagkakataon na ramdam natin ang ating pagiging tunay, hindi ba ito yaong mga pagkakataon na kumilos tayo bilang mga tao—at hindi mga hayop? Yaong nagpatawad tayo, umintindi ng iba, hindi pinahintulutan na manaig ang galit o sama ng loob; ang mga pagkakataon na ginawa natin ang ating katungkulan bilang mga magulang, anak at kapatid; ang mga pagkakataon na tumigil tayo upang damhin ang ganda ng isang tanawin, magdasal sa gitna ng katahimikan, o makipag-usap sa matalik na kaibigan; pati ang lasapin ang sarap ng kape sa umaga at magpasalamat sa kabutihan ng Diyos—sa lahat ng mga ito nandoon ang binhi ng Salita na inihahasik ng Panginoon, at magbubunga ng kabanalan.
No comments:
Post a Comment