Friday, August 9, 2013

PANALANGIN PARA SA JUBILEO DOMINIKO

Nais naming ibahagi ang isang pagsasalin sa Filipino ng "Prayer for Dominican Jubilee" mula sa Ingles.  

Panginoon Diyos,
Ikaw ang Simula,
ang Salita,
ang Magpakailanman.

Ikaw ang nagpunla
sa iyong alagad at aming amang
si Santo Domingo
ng butil ng kabanalan at natatanging pagtawag
para magpahayag ng iyong Magandang Balita
sa ikaliligtas ng mga kaluluwa.
Bukambibig niya ay Ikaw, O Diyos –
Kausap sa dasal, paksa sa pag-uusap.

Kami ay kanyang mga kapatid,
kami ay tumutugon din,
tumatahak sa landas ng pananampalataya.

Ngayong aming ginugunita at pinagdiriwang
ang ika-walong-daang-taon
ng aming pagiging Pamilyang Dominiko,
- Busugin kami sa biyaya
ng iyong Salita at Sakramento;
- Pag-alabin sa aming puso
ang ningas ng iyong Banal na Pag-ibig;
- Puspusin kami sa hininga
ng Espiritu ni Kristong Muling Nabuhay;
- Panatiliin kaming
Matatag sa aming panata,
Magiliw sa aming pagbabahagi,
Totoo sa aming pagpapahayag
ng Salitang-naging-Tao
sa mundo, lalo na sa maralita;
Tapat sa Iyong Pananahan sa amin,
At sa Pagsasabuhay namin sa Iyo.

Ito ang aming dasal,
sa tulong ni Maria,
sa ngalan ni Hesus.

Siya Nawa.

No comments:

Post a Comment